Toradora! (Filipino): Bol. 1, Kab. 1

From Baka-Tsuki
Jump to navigation Jump to search
May isang bagay sa mundo na di pa nakikita ng sinuman,

Malambot ito at matamis.

At kung makita ito, siguradong magugustuhan ito ng lahat,

Dahil mahusay ang pagkakatago nito sa daigdig, para mahirap itong mahanap.

Pero, dadating din ang araw na may makakakita nito.

At ang dapat makakuha nito ay ang karapat-dapat lamang.

Iyon lang.


"Naman!"

Alas siete trenta na ng umaga. Maganda naman ang araw, at madilim-dilim pa sa loob ng bahay. Dalawa ang silid sa bahay, na may kusinang nakaharap patimog sa loob ng dalawang palapag na paupahan, sampung minuto na lakad mula sa estasyon ng tren. Nasa 80,000 yen[1] ang renta.

"Suko na 'ko! Di ko makuha 'to nang tama!"

Pinunasan ng isang nayamot na kamay ang hamog sa salamin. Mahamog ang sira-sirang palikuran dahil sa pagligo sa madaling-araw. Kaya naman pagkapunas sa salamin, bumalik ito sa pagiging maulap. Walang kapupuntahan ang pagtuon ng galit sa isang salamin, gaano man kayamot ka...

"Walang kwenta naman nito!"

Maging gwapo sa lumulutang na bangs — Yan ang slogan sa pinakabagong labas na magasin ng men's fashion. Dahil doon, "lumulutang" na ang mga bangs si Takasu Ryuuji. Ayon na rin sa nakalagay sa artikulo, hinila niya yung mga bangs niya, binlow-dry hanggang sa tumayo sila, at saka mahinahong nilagyan ang parehong gilid ng hair gel. Gumising talaa siya nang kahalating oras na mas maaga para maging katulad ng modelo ang buhok niya at matupad ang kahilingan niya.

Gayunpaman, "Napakatanga ko naman yata para baguhin ang sarili ko sa bangs lang."

Galit na itinapon ni Ryuuji ang magasin, na seryosong pinag-ipunan niya ng tapang para bilhin, sa basurahan. Sa kasamaang palad, dahil napakahina niyang umasinta, di niya ito naipasok, imbes ay bumuklat pa ito habang pabagsak, at kinalat ang basurang nasa basurahan sa sahig. Sabi sa nakabuklat na pahina, "May oras ka pa para makapasok sa paaralan. Maamo o brusko? Ang ating paglalakbay sa pagiging modelo."

Kung ako lang ang tatanungin, di ako sigurado kung magmomodelo ako. Kahit ganon, gusto ko pa ring magbago.

Pero bigo ako.

Pakiramdam na talunan siya, binasâ ni Ryuuji ang mga kamay niya ng tubig at ginulo ang buhok na pinagtuunan niya ng maraming oras para ayusin. Bumalik siya sa pangkaraniwan niyang magulong tuwid na buhok. Pagkatapos, lumuhod siya para pulutin ang kalat sa sahig.

"Hala?! Ano 'tong... a... amag... maamag!"

Kahit na palagi niyang pinupunasan ang hamog, kahit na buong araw niyang nilinis ang mga amag sa kusina at palikuran nung nakaraang linggo... lahat yon, napunta sa wala dahil sa napaka-alinsangan na silid. Kinakagat ang labi sa inis, sinubukan ni Ryuuji kung maaalis niya ang mga amag gamit ang mga tisyu. Siyempre, di yon madali, at napunit niya ang mga ito bandang dulo.

"Naman, kakaubos ko lang nito nung isang araw lang e. Mukhang bibili na naman ako ng pantanggal-amag." Sa ngayon, iiwanan ko muna sila, pero babalikan ko kayo para kayo'y puksain! Tumingin pababa si Ryuuji sa amag havang nagpupulot ng mga kalat. Pagkatapos, marahas niyang pinunasan ang sahig gamit ang ilang tuwalyang gawa sa papel, sinigurong walang tinirang hibla ng buhok at dumi, at pinunasan ang hamog sa hugasán bago niya tinaas ang ulo at nagbuntong-hininga.

"Aa, oo. Pet food. Hoy, In~ko-chan!"

"Ah..."

Sumagot ang isang napakatinis na boses sa galit na sigaw ng isang estudyanteng nasa haiskul.

Salamat, gising na siya. Pinapasigla ang sarili uli, nakapaang pumasok si Ryuuji sa kusinang nakakahoy na tile, kumuha ng pet food at diyaryo, at pumunta sa isang sulok ng kanilang sala na naka-tatami.[2] Tinanggal niya pagkatapos ang damit sa nagtatakip sa kulungan ng ibon doon, at binati ang kanyang cute na alagang hindi niya nakita buong gabi.

Ngayon, iba-iba ang paraan ng pag-alaga ng mga tao sa kanilang alaga, pero ganito inaalagaan ng mga Takazu ang kanilang alagang parrot. Dahil nakakatakot ang hitsura nito sa pagtulog, kinakailangang takpan ng damit ito.

"Magandang umaga, Inko-chan."

Dilaw na parrot si Inko-chan. Tulad ng parati, kinakausap ni Ryuuji ito habang nilalagyan niya ito ng pagkain.

"Ga-gandang umaga," pataas ang pagkurap nito sa paraang di kaaya-aya o misteryoso, bagamat kaya nitong sumagot sa wikang Hapones. Kahit na kakagising lang, mukhang nasa magandang mood ito. Ito ang dahilan kung bakit siya cute.

"Inko-chan, sabihin mo kain tayo."

"Ka... Ka... Kain... Kain tayo! Kain tayo! Kain! Tayo!"

"Okey, tama na. Ngayon, tingnan naman natin kung kaya mong sabihin yon! Subukan mo kung kaya mo na'ng sabihin pangalan mo... dali, sabihin mo, Inko-chan."

"I... I... In... I... Iii... Ii..." Mukhang matindi ang ginagamit na enerhiya ni Inko-chan, habang ginagalaw niya ang kanyang ulo at mabilis na humihigop ng hangin, ay pagkatapos ay winawagaswas niya nang mabilis ang pakpak niya. "Iiiiii...."

Dumuduling ang mga mata niya, at makikita nang kaunti ang kanyang kulay-abong dila na unti-unting lumalabas sa tuka niya. Siguro magagawa niya ito ngayong araw, iniisip ng kanyang amo na todo ang pagdasal. Sa huli...

"Ble...!"

Naman... bakit ang bobo ng mga ibon? Tulad talaga ng inaasahan sa katiting lang ang utak. Nagbuntong-hininga si Ryuuji, habang binabalot ang pinagdumihang diyaryo. Tinapon niya ito sa isang plastik. Habang papunta sa basurahan para itapon ito kasama ng mga kalat sa kusina,

"...Sa'n... ka... pupunta..."

Mukhang gising na rin yata ang tangang nasa likod ng fusuma.[3]

"Ryuu-chan, diba uniporme yang suot mo? Bakit?" antok na tanong niya.

Maayos na binalot ni Ryuuji ang lalagyan ng basura at sumagot sa boses, "Papasok na 'ko. Diba sinabi ko kahapon na pasukan na?"

"Ah..."

Paulit-ulit na binulong niya ang sumusunod habang binubuklat niya ang mga binti niya sa futon,[4] nagmumukhang iiyak, Edi... Edi...

"Edi, paano yung... tanghalian ni Ya-chan? Wala pa akong naaamoy na pagkain e... may ginawa ka ba sa'kin?"

"Wala."

"Ano~... Edi... ano'ng gagawin ni Ya-chan... pagkagising niya...? Walang masarap na kakainin e..."

"Pauwi na 'ko pagkagising mo! Pupunta lang ako sa opening ceremony."

"Ano... yun lang ba..."

Hehehehe, ngumiti siya habang sinira niya ang nabukakang binti at nagsimula magpalakpak ...Patawad, palakpak ng paa.

"Opening ceremony ba? Congrats~! Edi ibig sabihin, Grade 11[5] na si Ryuu-chan mula ngayon?"

"Basta. Diba sinabi ko na na gaano ka man ka-busy, dapat tinatanggal mo muna yung makeup mo bago matulog? Angal ka nang angal diyan sa kung gaano kahirap tanggalin niyan, diba sinabi ko mismong bumili ka ng tisyu na pantanggal-makeup," tiningnan pa nang maigi ang paligid niya, "Ah... Hala! Kumalat yung makeup mo sa punda! Di ko yan maaalis sa labáhan! Dapat inaalagaan mo na yang balat mo! Di ka na bata!"

"Sensya na."

Kitang-kita ang batik-batik na panty niya. Habang tumatayo, tumatalbog ang dibdib niya habang napunta naman ang ilang hibla ng magulo niyang buhok sa pagitan nito. Wagaswas man yan ng buhok niya o dahil sa haba na rin ng kuko niya sa daliri, ramdam mo ang pagkababae niya. Pero kahit ganon, "Napasobra yata inom ko, isang oras pa lang ako sa bahay. Ah~, antok na 'ko," humikab siya, "Aa oo... may dala pala akong pudding pauwi."

Habang humihinga siya nang malalim, at kinakamot ang makapal na pilikmata niya, dahan-dahan siyang pumunta sa sulok ng silid para makuha ang mga pinamili niya. Ang hitsurang yon — ang napakapulang niyang labing bumubulong ng "pudding," ang mataba niyang pisngi, at ang mabilog niyang mata — mukhang di yata bagay sa kanya ang hitsurang bata. Kakaiba siya, oo, pero masasabi mo pa ring maganda siya.

"Hala... Ryuu-chan, di ko makita yung kutsara."

"Baka nakalimutang ilagay ng nagtitinda?"

"Imposible! Nakita ko siyang nilagay yung kutsara. Nakakapagtaka naman..."

Nanay ito ni Takasu Ryuuji, si Takasu Yasuko: pangalan sa trabaho "Mirano". Edad tatlumpu't tatlo (palagi niyang sinasabi na 23 siya habambuhay), nagtatrabaho siya bilang hostess sa kaisa-isang bar sa kanila, "Bishamonten Kuni."[6]

Binuhos ni Yasuko ang mga laman ng bag sa palapag at naghanap sa gilid ng kanyang futon. Sumimangot siya, "Ang dilim naman rito... di ko talaga makikita yung kutsara kung ganito! Ryuu-chan, pwede pabukas ng kurtina?"

"Nakabukas na sila."

"Ano~? Aa, oo... di nga pala ako madalas magising nang ganitong oras, kaya baka nalimutan ko lang..." Sa loob ng madilim na silid, sabay na nagbuntong-hininga ang mag-ina.

Yun ang bintanang nakaharap sa timog.

Anim na taon na nung lumipat sila rito. Sa loob nitong maliit nilang bahay na tinitirhan nilang dalawa, ang kaisa-isang pinagkukunan nila ng natural na liwanag ay mula sa bintana sa timog. Dahil nasa hilaga ang pintuan at dahil may kapitbahay sila sa magkaparehong gilid, tanging ang timog lang ang may bintana. Kahit ganito, marami-rami ang nakukuha nilang sinag ng araw, lalo na tuwing umaga. Di na kailangan pang buksan ang ilaw mula pagsikat ng araw hanggang sa paglubog nito, maliban lang kung umuulan. Malaki noon ang nakukuha liwanag ni Ryuuji habang nakauniporme at naghahanda ng almusal nilang dalawa at kay Yasuko na mahimbing namang natutulog.

Subalit, lahat yon, nagtapos nung nakaraang taon.

"Putik yang apartment kasi e."

"Anong klase ba ng tao yung mga nakatira diyan, ha? Buksan niyo na yang ilaw niyo!"

Nung nakaraang taon, ilang metro lang ang layo mula sa timog na bahagi ng bahay, may itinayong sampung palapag na pang-mayamang apartment. Dahil do'n, di na sinisikatan ng araw ang loob ng bahay. Ito ang dahilan kung bakit ilang beses na'ng nasiraan ng ulo si Ryuuji dahil sa inis at irita — di na matuyo-tuyo ang mga labada, umuunat na ang tatami dahil sa alinsangan, nakabaliko sa mga sulok at inaamag na; minsan, lumalabo nang sobra-sobra ang mga bintana. Nagsisimula na'ng mapilas ang dingding, siguro dahil na rin sa alinsangan. Wala akong pake kasi inuupahan lang naman ito, gustong sabihin ni Ryuuji sa sarili niya. Pero dahil na rin sa ugali niyang linisin ang lahat ng duming makikita niya, di niya magawang mawalan ng pake rito at magkaroon ng kompromiso. Tinitingala ang marangyang condo na naka-tile nang puti, walang magawa ang kaawa-awang mag-ina kundi tumayo nang magkasama't nakanganga.

"Hmm, di naman ako naaapektuhan nang sobra, tulog naman Ya-chan tuwing umaga e!"

"Wala naman kwentang magreklamo. At isa pa, bumaba naman yung renta nang 5,000 yen[7] e."

Kumuha ng kutsara sa kusina si Ryuuji at binigay ito kay Yasuko, sabay kamot sa ulo at sinabing, "O sige na, aalis na 'ko." Di ito oras mag-family bonding; kailangan niya na'ng umalis.

Suot-suot ang gakuran[8] niya, hinila ni Ryuuji ang medyas niya. Pagkasiguro niyang nadala niya ang lahat, bigla niyang naalala ang mahinang tawag sa puso niya.

Tama, ngayon ang unang araw ng pasukan. Pagkatapos ng opening ceremony, magpapalitan na ng klase. Kahit na bigo siyang palitan ang imahe niya, hindi yon sapat para ma-depress siya, kasi may pag-asa pa rin siya, ika niya. O baka nag-eexpect lang siya nang masyado? Basta, yan yung mahinang nadama niya, pero ayaw niya munang sabihin ito.

"Alis na 'ko. I-lock mo yung pinto ha, at palitan mo yang pajama mo!"

"Okey~! Aa, ano Ryuu-chan," umupo si Yasuko sa futon at kinagat ang kutsara gamit ngipin. Nagsimula siyang ngumiti na parang bata, "Mukhang masigla ngayon si Ryuu-chan ha! Laban lang! Grade 11 ka na! Di nadaanan yan ni Ya-chan, alam mo ba."

Para maipanganak si Ryuuji. nag-dropout si Yasuko nung Grade 10 pa lang siya, kaya wala siyang kaide-ideya kung ano ang pakiramdam na maging Grade 11.[9] Nakadama saglit ng lungkot si Ryuuji.

"...oo nga e."

Ngumiti siya nang konti at itinaas ang kamay niya. Paraan niya ito ng pagpapasalamat sa nanay niya. Gayunpaman, nauwi sa di-inaasahang masamang resulta ang ginawa niyang ito. "HALA!" tumili si Yasuko sabay nagpagulong-gulong sa sahig, at sinabi niyq na rin sa wakas iyon. Sinabi niya na rin sa wakas iyon!

"Ang angas ni Ryuu-chan~! Nagiging kamukha mo na yung tatay mo!"

"!!!"

...sinabi niya na.

Tahimik na sinara ni Ryuuji ang pinto sa harapan at tumingala sa kalangitan. Paikot-ikot ang tingin niya, pakiramdam niya kasi na hinihigop siya ng ipo-ipong nasa ilalim niya. AYOKO! Ayoko non! Ayokong-ayoko non! Tumahimik ka na lang!

Yon! Yon ang isang bagay na ayokong marinig. Lalo na ngayong araw.

Kamukha mo yung tatay mo — mukhang hindi yata mapansin ni Yasuko ang nagdudusa si Ryuuji sa mga salitang iyon. Yun din ang dahilan kung bakit binili niya yung magasin at sinubukang niyang "palutangin" ang bangs niya.

Pagkalabas ng bahay, tumungo na si Ryuuji papunta sa paaralan, na kaya niyang malakad papunta. Mukhang baliko ang matigas niyang mukha. Kahit ganito, naglakad pa rin siya nang masigla na para bang nakasakay siya sa hangin. Nagbuntong-hininga siya, at sinuklay ang bangs gamit daliri para matago ang mga mata niya. Palagi niya itong ginagawa. Oo, ang pinagmulannng lahat ng mga pagdurusa niya ay ang mata niya.

Masama sila! Di dahil sa perpekto niyang paningin. Yung hitsura kasi nito; parang gusto ng gulo.

Mabilis na lumaki si Ryuuji sa nakalipas na taon, kaya lalaking laki na ang hitsura niya. Hindi siya gwapong-gwapo, hindi rin naman siya mukhang palatutok sa kompyuter ...Ahem. Basta, hindi naman masama ang hitsura niya, kahit na wala pang nagsabi non; at least yun ang nasa isip ni Ryuuji.

Pero di natural ang asta ng mga mata niya, sobrang sama nito na hindi na yon biro. Ang mata niya yung tipong nakatabingi pataas kung saan halos sakupin na puting bahagi ang buong mata niya, habang halos tuldok lang ang balintatáw[10] niya. Siyempre, simula pa lang yon, ni hindi pa nga yon ang pinakamatindi. Dahil malaki ang mata niya, bumabanda matindi at nakakasilaw na kislap ng liwanag sa puti ng kanyang mata, habang mabilis na gagalaw naman ang maliit na balintatáw niya na para bang papatumbahin niya ang kahit sinumang nasa kanyang harapan, mapaanuman ang balak talaga ni Ryuuji. Kadalasan, ang mga matang ito ang dahilan kung bakit kumakaripas ng takbo ang mga tao pagkaraan nilang tumitig sa kanya. Alam na alam niya ito. Sa totoo nga, sa mga litrato ng grupo na kasama siya, kahit siya, nagtataka, "Naku naman... ba't para yatang yamot na yamot siya... aa, teka, ako ba 'to?"

Sa kabilang banda naman, masisisi mo rin ang magaspang na ugali niya. Kung magsalita siya, parang siga, na dahil naman sa pagiging sensitibo niya. Ito ang dahilan kung bakit bihira lang siyang magbiro o magpatawa. Siguro dahil do'n, o siguro dahil nakatira siya kasama ang isang katulad ni Yasuko kaya di siya tuloy mukhang katiwa-tiwala o matino. Higit sa lahat, ipinagmamalaki ni Ryuuji na kaya niyang protektahan ang sarili niya.

Pero, dahil do'n...

"Ta-Takasu-kun...! Balak m-mo bang suwayin ang ti-titser mo?! Pa-pakuha nga ng pamalo diyan!"

Hindi kaya! Gusto ko lang humingi ng tawad sa paglimot kong ipasa ang takda ko.

"Pa-pa-patawad... Di ko si-si-sinasadyang banggain ka! Yung lalaki kasing yon, tinulak ako e!"

Sinong magagalit sa simpleng banggan sa balikat?

"Narinig ko, nang-gatecrash si Takasu-kun sa pagtatapos ng isang paaralan nung junior high siya, pinasok pa nga niya yung broadcasting room e!"

Wag niyo ngang ipamukha na parang basagulero ako rito!

"— Mararanasan ko na naman bang mahusgahan nang mali?" Isip-isip ang mga masasakit na alaalang ito, walang nagawa si Ryuuji kundi magbuntong-hininga.

Hindi naman masama ang mga grado niya, at di siya kailanman nahulí o lumiban sa klase. Ni wala nga siyang nakasagutang iba, at mas lalong wala siyang nakasuntukan. Sa simpleng paglalarawan, normal na batang lalaki lang si Takasu Ryuuji. Gayunpaman, dahil sa kanyang nakakatakot na mga mata, at dahil lang doon mismo, inisip ng lahat na basagulero siya — di pa nakatulong ang katotohanang kasa-kasama niya sa bahay ang isang hostess sa gabi.

Matapos makasama nang isang taon ang mga kaklase niya, naresolba na niya ang karamihan sa mga di-pagkakaunawaan na ito. Hindi maiksi ang isang taon, lalo na sa idang estudyante sa haiskul. Ang problema nga lang ngayon, bagong simula uli ang lahat, tapos, nauwi sa wala ang pagsisikap niyang baguhin ang kanyang imahe.

May inaabangan pa rin naman siya sa palitan ng klase, kasi gusto niya sanang mapunta sa klase ng isang partikular na tao. Pero nang mabaling ang isip niya sa paghihirap na mararanasan niya pagkatapos, nanliit ang inosenteng mukha niya. Tapos, ang daldal pa si Yasuko. Hindi, mali yon! Yung nakakayamot na gene ng tatay niya ang dapat sisihin!

"Yung tatay mo ba? Nasa langit na siya. Ang angas siya non, tapos, kung hawain niya yung buhok niya, ang hinahon. Ang kintab-kintab palagi ng sapatos niyang matulis ang dulo, tapos, suot-suot niya palagi yung mahabang kadenang ginto sa leeg niya habang nakasuot nang kaswal na suit suot-suot ang Rolex niya. Tapos, palagi siyang nagsisiksik ng makapal na magasin sa loob."

"'Para saan naman yon,' tanong ko sa kanya. Sagot niya, 'Para di na ko mag-alalang baka masaksak ako.' Aaayy~ Kinilig naman ako~!"

Walang ibang maisip si Ryuuji kundi isipin ang nanay niyang kilig na kilig, pati na rin yung kaisa-isang litratong iniwan ng tatay niya. Saktong sakto sa paglalarawan ni Yasuko ang asta ng tatay niya sa litrato. Nakatayo labas-paa habang mukhang mayabang, dala-dala niya sa kili-kili ang isang maliit na briefcase. Puting suit na may marangyang damit na kita-leeg ang suot nito. Kumikinang ang dalawang gintong singsing nito sa mga daliri, tapos, may diyamanteng earring pa siya sa isang tenga nito. Tapos, yung mukha niya, parang sinasabing, "Kinakausap mo ba ko?", nakaturo pababa sa kamera ang babâ niya. Hawak-hawak ng isang kamay niya ang dibdib ng nanay niya, na batang-bata ang hitsura sa larawan. Masayang nakangiti ang nanay niyang buntis. Kitang-kita pa nga sa ngiti ng tatay niya yung gintong ngipin nito e.

Sa totoo lang, malambing siya at seryoso, at kailanman, hindi siya mananakit ng normal na tao, o at least, yun ang sabi Yasuko, pero paano sa balat ng mundo na naging basagulero ang isang malambing at seryosong tao?! At sinong matinong nilalang ang pumayag na mabuntis ang isang dalagang nasa haiskul? Mas importante, yung mga mata niya... Kung may tititig man sa mga matang iyon, siguradong mabilis nilang ibibigay yung mga pitaka nila at umasang walang mangyayaring masama pagkatapos. Yun lang ang kaisa-isang gamit ng mga matang iyon: bayolenteng pangingikil. At lahat yon, nakadikit na sa mukha niya. Biglang kinilabutan si Ryuuji. Kung siya nga mismo, ganon ang tingin niya sa tatay niya, e walang duda talagang ganon din ang tingin ng iba sa kanya!

Siyanga pala, posible palang buháy pa ang tatay niya. Ayon kay Yasuko, habang tinutulungan tumakas ng tatay niya ang isang kasamahan niya, nabugbog-sarado siya, at tinapon sa pantalan ng Yokohama. Gayunpaman, walang libingan, walang altar, walang patunay, walang lapida, ni wala ngang bangkay e; walang naitalang kahit ano tungkol sa pangyayaring iyon. Minsan nga, magbibiro na lang si Yasuko nang lasing, "Ano kaya magiging hitsura ni Ryuu-chan kung biglang dadating sa bahay yung tatay mo? Hahaha... biro lang!"

Mukhang nagninilay-nilay yata si Tatay sa loob ng isang silid na malamig! Bilang anak niya, pakiramdam ko—

"Hoy, Takasu! Magandang umaga! Ang ganda ng umaga ngayon, no?"

Pagkarinig ng isang boses tawag-tawag sita mula sa likod niya, agad lumingon si Ryuuji sabay taas ng kamay, "Aa, Kitamura. Kamusta!"

Mahirap na, kung hihintayin ko pa yung kaibigan ko rito, baka isipin ng iba na sasakalin ko siya, kahit na wala naman akong balak gawin yon. Tahimik na kinonsidera ni Ryuuji ito. Di talaga maiiwasan na mamali ng husga ang iba sa kanya, kaya kung ganon nga ang mangyari, kailangan niyang magpaliwanag sa pinakamabait na paraang posible. Basta ba pagtutuunan niya ito ng oras e, maiintindihan rin agad siya kalaunan ng iba. Oo, medyo nakakayamot ito. Pero yun lang ang tanging magagawa niya, kaya yun din ang tanging ginawa niya!

Tumingala si Ryuuji sa bughaw na langit, at halos napapikit siya sa sinag ng araw. Maayos-ayos ang panahon ngayong araw, walang hangin. Tahimik na nalanta ang mga sakura sa bahaging ito ng taon at marahang nahulog sa ulo ni Ryuuji.

Patuloy na dala-dala pa rin ni Ryuuji ang paghihirap niya at lumakad papasok sa paaralan. Sakto ang panahon ngayong araw para sa pagbubukás ng pasukan.

* * *

Talababa[edit]

  1. Katumbas ng P35,400 sa pera ngayon (2021).
  2. Uri ng banig na gawa sa kahoy. Madalas makikita sa mga tradisyonal na bahay sa Japan. Wikipedia.
  3. Uri ng dingding na gawa sa papel. Nagsisilbing divider ng mga silid sa isang tradisyonal na bahay sa Japan. Wikipedia.
  4. Isang uri ng kutson sa Japan. Wikipedia.
  5. Sa Japan, ang Grade 11 (ang unang taon ng senior high) ay katumbas ng ikalawang taon nila sa high school. Sinalin ito sa kasalukuyang katumbas na baitang sa Pilipinas. (Bago ang K-12, katumbas ito ng unang taon sa kolehiyo)
  6. Literal na Bansa ni Bishamonten. Si Bishamonten ay isa sa mga diyos ng Budismong Mahayana, na pinaniniwalaang nagdadala ng suwerte sa panahon ng digmaan o labanan. Isa rin siya sa Pitong Pampasuwerteng Diyos (七福神, shichifukujin) sa mitolohiyang Hapones. Wikipedia.
  7. Nasa 2,200 piso ngayon (2021).
  8. Uri ng damit pampaaralan para sa mga lalaki sa Japan. Ito yung kulay-itim na jacket na makikita sa mga anime. Wikipedia.
  9. Para lang malinaw, ang Grade 11 ay ang ikalawang taon sa high school sa Japan, kaya ibig sabihin, nag-dropout siya sa high school. Isinulat ang Toradora! bago ang implementasyon ng K-12 sa Pilipinas, kaya pwede ring tingnan ito bilang "di nakapagkolehiyo si Yasuko."
  10. Pupil sa Ingles. Ito yung gitnang bahagi ng mata na may kulay.